Monthly Archives: June 2014

SHOTS

Fun shots ng KFC? Shots na kanta? Parang kailan lang ang unang lumalabas sa utak ko sa salitang shot ay moni. Ngayon iba na, injection shots.

Hindi kaiba sa inom, nakalalasing din pala ang shot na ito. Nakalalango yung gamot na ipinapasok nila sa sistema mo. Parang manghihina ka ngunit tatapang. Di nalalayo sa pag-inom ng ilang shots ng paboritong ray gun o weng-weng ang pagturok sa iyo ng likidong gamot na ito. Parang wala nang epekto ang mga susunod na tusok sa balat. Ang pagkakaiba lang ay ‘di mo maaaring hindi-an ang injection shots dahil pwede itong maging sanhi ng pagbawi sa buhay mo.

Parang pangatlo to sa pinakamahalagang pagpunta ko sa ospital na ako ang pasyente. Hayskul nang una akong ma-ospital at makabitan ng hose ng oxygen tank. Sabi ng doktor dahil lang daw inuubo’t sipon ako kaya di ako nakahinga sa klase. Ngunit naulit pa ng ilang beses at saka nalamang hypoglycemia. Ang ikalawa ay noong Disyembre lang, sa Tagaytay. Parang malabo ang paningin ko noon at tanging ang berdeng ilaw lang sa tricycle ang naaaninag ko. Malamig na malamig pa noon dahil madaling araw na at damang-dama ko ang hampas ng hangin sa mukha ko. Pumikit lang ako at pagdilat ko tuturukan na ako ng drogang pampakalma matapos ay napapikit muli ako’t nakatulog. Pagdilat ko, umaga na. Nakabalik na kami sa pinagdadausan ng event namin. Ngayon, ito naman. Ang bilis ng mga pangyayari noong gabi ng Linggo. Isang iglap lang at paghawak ko sa mukha ko, puno na ng dugo ang kamay ko. Ang susunod na nalaman ko nalang ay tumutulo na ang dugo mula sa mukha ko. Matapos ay paglakbay kinabukasan. Mula sa Golden, patungong Balibago at papuntang Alabang.

Sa bawat puntahan ay may shot/s na ibinibigay, may markang iniiwan sa balat. Nakakakaba ang bawat turok. Nakakapigil-hininga. Matapos kang kausapin ng iba’t ibang nurse ay kukuhanan ka ng gamot. Matapos papahiran ng bulak na binasa ng alcohol o betadine. Bibilinan kang itutusok na sa’yo ang manipis at matalim na bagay. Makikita mo pa ang pagsirit ng likido sa dulo ng karayom habang pinipisil ang dulo ng syringe. Hindi mo alam ang dapat mong maramdaman, matatakot ka ba sa sakit ng pagpasok nito sa katawan mo o matutuwa dahil ito ang magpapagaling sa’yo. Minsan para kang nililinlang dahil akala mo tapos na ang sakit ngunit pagtusok palang pala iyon ng karayom, matapos ay mararamdaman mo pa ang mas malalang sakit dahil sa hapdi ng pagpasok ng gamot. Naisip ko lang na halos lahat pala ng bagay ay kayang maikumpara sa buhay. Maging ito.

Ang dami kong natiis sa isang araw. Ang daming hindi inaasahang turok, biglaan. Ang dami kong sakit na napagdaanan. Ilang ospital din ang napuntahan. 9 Shots. Siyam na turok. Dalawa sa kaliwang braso, apat sa kanan, isa sa pigi, isa sa pisngi at isa sa baba. Maghihintay pa ako ng ilang araw para sa natitirang 6 shots.

Mas maiiyak pa ako sa kaba kaysa sa mismong sakit. Sana makalipas ang isang buwan wala nang markang maiwan sa mukha ko. Apat na maliliit ngunit malalalim na sugat.

24 June 2014
10:13PM
STR

MAGDALENA

Magda,
Isang tapik mula sa manghihilot
Isang ngawa mula sa’yo
Ang nagpaiyak sa galak sa mga magulang mo.

Sa tuwina’y kinakaray ka ng ama
Tila hindi kayang ipinta sa kariktan
Sa gabi’y hinehele ng ina
Wari’y isang anghel na nakapikit

Sa lamok ay di pinadadapuan
Kulambong gawa ni inang ang nagsisilbing proteksyon
Hindi ka hinahayaang mainitan
Kung kaya’t magkanda-ngalay ang ama sa pagpaypay.

Lumaki kang mayumi’t masayahin
Mga aral sa klase’t lipunan ang iyong kayamanan
Maging ang di mabilang na kaibigan sa kanayunan
Ay iyong tangan-tangan.

Hindi naglaon ikaw ay nag-dalaga
Gabi-gabi sayo’y may nanghaharana
Ngunit sa piyesta sa baryo’y isa lang ang isinayaw
Ako iyon ang iyong matalik na kaibigan.

Ngunit matapos ang pista
Lumisan ka ng walang paalam
Sa Maynila daw ikaw’y makikipagsapalaran
Baka doon magkaroon ng magandang kinabukasan

Lumipas ang ilang taon nang wal kang paramdam
Tanging perang padala lamang sa mga magulang
Nasaan ka, Magda?
Kahit sino dito’y walang may alam.

Lumuwas ako’t nagbaka-sakali
Hinanap kita paroon at parine
Hanggang sa isang litrato sa akin ay tumambad
Ikaw ang naroon ngunit ang pangala’y Rosa

Pumasok ako upang alamin
Nagsasayaw ka sa dilim
Kakapiraso ang iyong damit
Binabato ka ng mga salapi.

Umuwi tayo sa tirahan mo
Isang gabi na ating pinagsaluhan
Tila sa silid na iyon tayo’y naging isa
Walang salita’t puro halik.

Pagsapit ng umaga nakausap pa kita
Humihikbi ka’t hinawakan kita
Pumiglas ka sabay bigkas
“Umalis ka na, sa aki’y wala nang mas rurumi pa”

Nasaan na ang masiyahin at inosenteng si Magda
Ikinubli na sa pagkatao ni Rosa
Sana hindi pa huli ang lahat
Isasalba kita, aming prinsesa.

Para sa mga katulad ni Magda.
At para sa isang bilyong babaeng lumalaban sa panga-abuso.

Bangong, babae, bangon.
Abante, Babae!
Palaban, Militante!

3:58AM
23 June 2014
STR

+

Halos isang taon na tayong magkakilala. Noon ang tanging alam ko lang ay malalim ka mag-isip at may kakaiba sa’yo. Ngunit ngayong mas nakikilala kita, araw-araw mo akong ginugulat sa mga rebelasyong ibinubunyag mo sa akin. Iba ang pagbabaluktot ng utak mo.

Ikaw yung kapatid na lalaking kahit kailanma’y di ako nagkaroon (o naramdaman man lang na nagkaroon). Tahimik ka lang sa isang tabi habang pinagmamasdang umikot ang iba’t ibang mundo ng mga tao sa paligid mo. Sa pagmatiyag mong iyan mo natutunan ang mga kilos at isip ng bawat isa. Hindi ako nagkamaling suportahan ka. Tahimik ka ring naga-alaga sa iba pa nating mga “kapatid”. Halos kabisado mo ang mga sira at kabaliwan namin.

Nagpapasalamat ako na nandiyan ka — mula noon pa. Ngayon, hayaan mo akong manatili palagi sa tabi mo. At kagaya nga ng sinabi ko sa’yo, isa ka sa mga bagay na ipinagpasalamat ko sa kanya.

3:40AM
23 June 2014
STR

Kaligayahan Mula Sa Kalayaan

Madilim ngayon sa apat na sulok ng kwartong kinalalagyan ko. Tanging ang ilaw lang mula sa monitor ng laptop ko ang nagbibigay liwanag sa akin. Sobrang saya ko. Alam kong darating ang araw na ito. Ito na, ito na yung pagkakataong nakatayo na muli ako mula sa pinakamalakas na pagkakadapa. Nakapagpagpag ako ng mga tuhod kong napuno ng dumi at sugat. Nakahinga na ako at nakangiti. Sa lahat ng nalalaman ko, sa lahat ng napagtatanto ko, sobrang saya ko. Parang kailang lang, halos ikabaliw ko na yung kalungkutan at depresyong pinagdaanan ko. Unang beses nga naman. Pero ngayon, halos walang mapaglagyan ang pangkaloobang saya na nararamdaman ko. Ang dami kong nakikilala at “mas nakikilala” pa. Hindi ko maipaliwanag. Kahit yung mga salitang namumutawi sa labi ko, hindi kayang gamitan ng pang-uri ang kasiyahang bumabalot sa sarili ko. Ramdam ko yung paga-alala, yung pagmamahal sa paligid. Ito yung inabangan ko. “Mawawala din ako, maghintay ka lang.” “Sasaya rin ako.” Ito na yung panahong ‘yon. Pinakawalan ko na lahat ng negatibo sa buhay ko. Ang gaan pala sa pakiramdam. Minsan aakalain mong nalipad ka. Minsan sa gitna ng salu-salo, ng “hangout” mapapatitig ka at mapapangiti, madarama mo roon yung “natural high” na tinatawag nila. Ang sarap sa pakiramdam na pagkatapos ng mga buwan at linggong gusto mong magpalamon sa lupa ay lumilipad kang muli. At mas malawak na ang alapaap na ginagalawan mo.

 

Ito ang dahilan kung bakit “masaya maging malungkot”, dahil alam mong pagkatapos ng kalungkutan ay may kasiyahan.

Luntian

Parang turista na ako dito.
Ang tagal ko na rin kasing hindi tumitigil para pagmasdan man lang ang ganda nito — kung paano sinisinagan ng araw ang mga dahon sa halaman, mula sa damo hanggang sa pinakamatataas at mayayabong na puno nito. Ang tagal na rin ng huli kong narinig ang mahihinang busina ng dyip dito, ang tilaok ng manok, ang yabag ng paa ng mga nagja-jogging at ang huni ng mga ibon.

Mapayapa ngayong umaga. Tahimik ang kapaligiran. Nakakapangulila rin pala to.

13 June 2014
7:41AM
Sa paborito kong upuan sa campus
Los Baños

Dear Diary

Magsusulat ako na parang diary lang ito. Hindi makata, hindi malalim at hindi dulot nang lubos na pagi-isip sa mga bagay-bagay.

 

Napepressure ako, oo. Hindi lang sa bagong posisyon at pangalang dala ko kundi maging sa iba’t ibang mga proyektong ibinibigay sa akin ngayon. Masaya palang ganito. Pag tinatanong ako ng mga tao, “Kumusta ka na?” “Okay ka na ba?” sobrang dali na sa’kin sumagot ng “Oo”. Gaya ng sabi ko kayla Jerue, Gem, Jaren, Chiara at sa iba pa, sobrang saya ng buhay ko ngayon. Parang lahat magaan, lahat masaya. Good vibes lang. Oo, nandiyan ang mga judgments ng mga tao dahil sa nakaraan pero wala na ‘tong saysay. Nakahinga ako mula sa mapanakal na usok ng kritisismo. Hindi ko rin alam kung bakit sinusulat ko pa to dito. Pero parang kailangan at gusto ko ring ihayag yung kasiyahang nararamdaman ko. May isang kaibigan akong nakausap noong weekend, nagkwento, nanghingi ng payo at nakinig rin maging sa kwento ko. I had it all figured out. Yun lang ang naisip ko. Parang nalaman ko na ang takbo ng buhay. Ang ikot ng mundo ko. Kung paano ako sasaya, kung paano mawawala ang bad vibrations and aura maging ang nagbibigay ng mga ito sa sarili ko. Sabi ko nga kay SS, noon parang ang hirap-hirap mabuhay, parang ang bigat-bigat ng mundo pero ngayon ang gaan na ng lahat at masaya pala ang buhay.

 

Magiging malaya ka kung gugustuhin mo. Magiging masaya ka kung pipiliin mo.

Preso

Nakagapos na tila umaaklas

Nakabuhol na pilit pinipigtal

 

Nasaan na ang pala’t tayo’y maghuhukay

Huhukay ng pailalim matapos ay paibabaw

 

Huhukay ng daan upang makalabas

Lakbay-diwa upang makatakas

 

Kukupas at Maaabo

Lagi’t lagi nalang.

 

Sa tuwing lumalapit ka, gusto kitang itulak ng malayong-malayo.

Sa tuwing nangangausap ka, gusto kitang hindi pansinin.

Sa tuwing kumakapit ka, gusto kitang ibagsak ng malakas na malakas.

Sa tuwing umaamo ka, gusto kitang sapakin.

 

Kaso kung gaano kita kagustong itaboy, ganoon ko rin kagustong makasama ka.

Umay

Hindi kaiba sa pagkain, sa musika, sa panonood ng parehong pelikula,

Kailangan mo ring magsawa sa tao, sa mga bagay at mga pangyayaring nagpapaalala sa kanya, maging sa mga sinasabi at takbo ng utak niya upang makausad. Parang ako.

Mas malaya pa sa malaya.