Monthly Archives: February 2014

Lamig

Noong 25 Pebrero 2014

Papalapit.
Pula. Kahel. Dilaw. Kahel
Papalapit tayo ng papalit sa uuwian natin.
Mga ilaw sa poste nalang ang gumagabay sa atin sa madilim na daan.

Tumataas.
Pataas ng pataas ang nilalakad natin.
Bawat hakbang mas lalong humahapdi sa binti,
Mas lalong kumikirot sa paa.

Lumalamig.
Palamig ng palamig ang hanging bumabalot sa kapaligiran natin.
Walang anumang balabal na nakasasangga sa hamog na yumayakap sa atin.
Nakakangatog ang ginaw na humahaplos sa balat natin.
Habang lumalapit, tumataas at lumalamig.

Kasabay ng pagkakalapit natin ay ang pagtaas ng pagkakakilala natin sa isa’t isa.
Kasabay na rin ba nito ang paglamig sa nararamdaman?

Hindi? Oo? Hindi —
Hindi. Hindi puwede. Hindi maaari.
Hindi naman kasi talaga.

Pagod, oo.
Pagod lang tayo sa nakauubos-laway na pagpapalitan ng mga salita.
Pagod lang tayo sa mga nakakabaluktot-utak na mga diskusyon.
Pagod lang tayo sa mga tila walang katapusang away.

Mas lalo lang nating nakikilala ang isa’t isa.
Yun lang.

Hindi ito burnout.
Hindi tayo nagsasawa.
Hindi ako.
Hindi.

2. 27. 14 | 12:17AM

Advertisements

Buhay at Kamatayan

Kasabay ng pagbagsak ng upos ng sigarilyo ang pagtulo ng luha mo. Malungkot ka’t namumugto ang mga mata. Tumigil na naman ang oras. Tila nakahinto tayo habang paspasan ang kilos ng mga tao’t bagay sa kapaligiran. Mainit ang panahon at tirik ang araw ngunit malamig ang hangin na dumadantay sa mga balat natin. Ang bilis ng mga pangyayari. May mga tao at bagay talaga sa buhay natin na ngayon ay nariyan pa ngunit sa isang kisapmata lang ay naglalaho na. Lumilipas. Lumilipas ang lahat ng makamundong bagay at sa pinaka-hindi inaasahang pagkakataon. Maswerte tayong makatunghay ng buhay na pinagpala, ng buhay na puno ng saya. Para sa mga nasa piling pa ang dulot ng galak at kasiyahan, pahalagahan ito o sila, ‘wag aksayahin ang bawat pagkakataon. At sa mga naiwanan, hindi kalungkutan at paghihinagpis ang makatutulong ngunit ang pag-alala sa magagandang nakaraan, pagpapasalamat sa mga sandaling nakapiling natin ang mga tao’t bagay na nakapagpaligaya sa atin.

Para kay Karl.
Para kay Inana.

Meynstrim Midya

Sa ilalim ng mga titik sa pahina,
Nakalathala ang katotohanan.
Sa kaloob-looban ng lente,
Nakasiwalat ang tunay na larawan.

Sa kabila ng tinig sa radyo,
Nananaghoy ang biktima.
At sa likod ng tagapagpahayag,
Nagkukubli ang may masasamang kalooban.

Pinapatawa ang madla,
Sa mga dapat na ikinagagalit nito.
Pinaiiyak ang tanan,
Sa maling kadahilanan.

Tila binubulag ang lipunan,
Sa mga maling angulo.
Sira na yata ang timbangan ng balita,
Nasira nga ba ito o sadyang sinira?

Ang mga nakaupo’t may kapangyarihan?
O ang mga taong represibo’t nagbubulag-bulagan?
Sino nga ba ang may sala?
Ikaw ba?

“Ewan ko, basta hindi ako.”
“Baka siya.”
“Sila.”

– XXX –