Monthly Archives: December 2013

Milan

“Claudine: Hindi pala naibibigay ang kaligayan, hindi ito nahahanap sa ibang tao oh sa isang lugar, nasa sa iyo yun. Ikaw mismo ang makakahanap at makakapagbigay nun sa sarili mo.”

Advertisements

Bisperas

December 24, 2013

Isang buwan bago ang kapaskuhan, nararamdaman ko ang galak sa bawat tao.

Mamaya pala noche buena na. Bukas pala Pasko na.

Parang may kulang. Hindi naman regalo, hindi naman Christmas carols. Kahit saan ka lumingon, may iba’t ibang dekorasyong pang-Pasko pero nasa’n na nga ba ang Pasko? Hindi ko maramdaman. Nakakalungkot. Parang may kulang pa rin.

Nakakalungkot Maging Masaya

Kasiyahan. Ito ang hiling ng bawat nilalang. Pero minsan nakakatakot din palang sumaya. Nakakatakot na baka sa sayang nararamdaman mo, wala ka nang maramdamang gano’n muli. Nakakatakot na baka sa susunod, puro kalungkutan na ang bumalot sa damdamin mo.

 

Kalungkutan. Nakakalungkot din palang maging masaya. Nakakalungkot matapos yung nararamdaman mo. Madalas, alam mong panandalian lang. Pagkatapos ng ilang sandali, babalik ka na naman sa realidad na masalimuot o okey lang. Fleeting at ephemeral kadalasan. Pero sa kahit anong kaganapan, sa bawat miserableng pagkakataon, tandaan mong palagi kang may pagpipilian.

 

Piliin mong maging masaya.

Ngiti

Simpleng ngiti mula sa sanggol. Hindi kailangan ng kahit anong karangyaan, ng kahit anong luho. Puro at tunay na galak at halakhak. Minsan sana maaaring ibalik ang kabataan kung saan simple ang ligaya. Sana pwedeng bumalik sa nakaraang hilaw pa ang isipan. Sana pwede. Kahit minsan lang, kahit saglit lang.

Isang Mahabang Biyahe

Noon

Nagsimula tayo sa pambihirang paraan. Iba ang tindi ng pinagdaanan natin mula sa mga simpleng issues hanggang sa mabibigat na batikos. Maraming nagtataas ng kilay, maraming nagdududa kung totoo ba lahat. Dahil dito, nagkaroon ng matibay na pundasyon ang relasyon natin. Isang samahang “ang bumangga, magigiba”.

Ngayon

Sa pundasyong mas matibay pa sa pillars ng isang gusali, dito natin lalong pinanghahawakan ang isa’t isa. Sobrang higpit na kapit. Ikaw ang siyang tanging nakakaintindi sa lahat ng emosyon ko, ikaw na siyang naga-alaga sa mga ‘to. Salamat sa seguridad na ibinibigay mo. Sa’yo lang ako nagpakilala ng buong-buo. Buong-buo na wala akong itinatago. Kumbaga sa isang regalo, wala na akong balot. Sa’yo lang ako naging sigurado. Salamat sa pangangalaga sa mga nararamdaman ko. Ngayon lang ‘to at ikaw lang ang nakapangalaga kahit sa mga emosyong hindi ko mailapat sa mga salita.

Sa Hinaharap

Ikaw, B. Ikaw ang nakikita kong kasama ko sa hinaharap. Kasama kong tatanda, kahit ayaw mong tumanda. Sa bawat buntong hininga mo na alam ko ang dahilan, sa bawat pagsimangot mo na di na kailangan ng paliwanag, sa pagngiti’t pagngisi mo na naiintindihan ko na agad kung bakit, sa ganyang paraan tayo mananatili. Tatanda tayong nagkakaintindihan. Hindi na kailangan magrason o magsalita dahil tingin at pakiramdam palang, alam na natin ang saloobin ng bawat isa. Lahat ng iniimagine natin, tutuparin nating magkasama ang mga ‘yun. Ikaw, ang makakasama ko sa litrato mula ngayon hanggang sa maging kulubot na ang balat ko.

 

Ihanda mo ang sarili mo sa mahabang biyaheng ‘to. Nagsimula tayo sa malubak na daan, pero doon natin nahanap ang panggatong sa makinang nagpapatakbo sa’tin. Doon natin nahinang ang kakayanan nating kontrolin ang manibela. Naniniwala akong kahit maka-ilang liko man tayo sa daang tatahakin natin, maka-ilang humps man ang pagdaanan natin, kakaya ninnatin dahil hindi basta-basta ang pundasyong nabuo natin.

 

Isang mahabang travel. Isang mahabang trip.

Isang mahabang biyahe na tayo ang magkasama.

Christmas Gift

“Sarili natin ang regalo natin sa isa’t isa.”

Hindi ko maramdaman ang Pasko. Paulit-ulit kong binibigkas. Rant dito, rant doon. Ilang araw na akong naghahanap ng kasagutan sa mga katanungan kong bakit hindi ko maramdaman ang okasyong parating. Dahil ba hindi ako nag-simbang gabi? Dahil ba wala pa akong maibigay na regalo? Ano pa bang kulang? Sa tuwing tatanungin ako kung ano ang gusto kong regalo, hindi ko alam ang isasagot ko. Lahat naman ng pwede kong hilingin na materyal at di-materyal na bagay ay nasa’kin na — mga damit, gadgets, pagkain at kung anu-ano pa. Pamilya, kaibigan at pag-ibig kumpleto na rin. Sa tinagal-tagal kong paghahanap sa kasagutan, sa isang homiliya ko lang pala matatagpuan.

Ang Pasko ay kaarawan ng Panginoon kong Anak ng Lumikha. At sa bawat kaarawan ay ‘di mawawala ang regalo. Ngunit ano nga ba ang regalong ito ngayong kapaskuhan? Katulad ng mga “Christmas presents” na binibigay at natatanggap natin, nakabalot. Pero ano ba ang habol natin, hindi naman ang mga wrappers pero yung laman. Sinisira’t pinupunit natin ang mga balot ng regalong natatanggap natin para makuha ang laman. Halintulad ito sa isang tao. Hindi naman ang panglabas na kaanyuan ang kailangan natin ngunit ang mabuting kalooban.

Hanap ako ng hanap pero nasa paligid ko na pala ang hinahanap kong kulang at kasagutan. Pamilya. Kaibigan. Soc. ANC. HS friends. Si Karl. atbp. Salamat sa inyo. Maligayang Pasko! Pagmamahal!

12.10.13 Sino ka?

Nakaupo ka sa tabi ng pinto, humihithit ng sigarilyo’t nagbubuga ng usok.

Halos anino nalang ang nakikita ko. Anino mong nakatalikod. Nakabalabal sa’yo ang malong mong kahel. Ang malong mong tanging nagsasaklob sa’ting dalawa. Sa loob ng telang hinabi tayo nagiging isa. Hanggang doon nalang ba? Nagtatalo tayo ngayon. At sa galit at poot na nananaig sa kalooban natin, iisa lang ang tanong natin sa isa’t isa “Sino ka?” Nagbago ang lahat.

Ako na dati puro ngiti’t galak. Ako na dati puro halik at yakap. Ako na dati puro tamis. Siguro nga nagbago ako. Nagbago ako para makasabay sa alon ng relasyong ‘to. Pero hindi ko akalain na sa pagsabay sa alon na ‘yun, lalamunin din pala ako ng agos ng hinanakit. Pasakit. “Lampake”, wala akong pakialam sa nangyayari. Iyan ang naging sandata ko.  Mali at tanga pero saan pa ba ako kakapit?

Naibigay ko na ang lahat at tila wala nang natira sa sarili ko. Mahal na mahal kita at ngayon lang nangyari sa’kin ang lahat ng ‘to. Ayaw kitang mawala’t bitawan ngunit iyon ang nakikita kong paraan para masagip ka. Sinisira kita. Paulit-ulit kitang nababasag at nadudurog. Hindi ko na gusto pang dagdagan ang mga bagay na tinatangis mo — ang mga panaghoy mo. Sana pag nakabalik ako dito, makabalik ako bilang ang dating ako.