Monthly Archives: July 2014

Apoy at Hangin

Sa lango ng Tequila.

“Naglalaro ang apoy sa hangin.”
“Nakikipaglaro ba ang hangin sa apoy?”
“Hindi, sadyang apektado lang ang apoy sa galaw ng hangin.”

Ilaw.
Dilim.
Tayo.

17 July 2014
Mrod

Advertisements

Baso, Asin, Langis, Apoy, Tela

Magkasama man ang niliyabang tela at langis sa baso,
Ni kailanma’y ang mga ito ay maghahalo

Tulad ng asin na nagpapatindig sa tela
At ng mismong langis na bumubuhay sa apoy

Ang asin, ang langis, ang tela, at ang baso
Hindi magkakahalo ngunit magkakaagapay sa pagbibigay liwanag

Di kaiba sa garapon na may kandila,
Ito’y nagsisilbing ilaw sa panahong wala ang artipisyal na kuryente.

17 July 2014
Bandang alas-siyete ng gabi
Sa dorm na hindi akin
Los Baños

Kandila Sa Garapon

Nang mawalan ng kuryente,
At dumalaw si Glenda

Naglalaro ang apoy sa hangin,
Isang ballerina na sumasabay sa indayog ng musika

Nagsasayaw ang ilaw at anino,
Isang magkapareha sa saliw ng cariñosa

Ang maliit na kandila na kayang magbigay liwanag sa isang kulong na lugar
Parang musika na kayang pumuno sa malaking bulwagan

Subalit sa isang iglap, ang kandila sa garapon ay maaaring tumumba’t sumunog
Di kaiba sa mahinang tunog na kayang sumira sa maharlikang tugtog

Parang kandila sa garapon
Parang apoy na kayang lamunin ng hangin

 

16 Hulyo 2014

Unconditionaleeee

Minsan nagbigay ka ng buo
Hiningan ka pa nga ng sukli
Tapos nagbigay ka naman

Bumalik ka at sabi may kulang pa
Tinanong mo kung magkano
Dinagdagan mo pa

Bumisita kang muli
Marami kang tangang pera
Pero nanakawan ka pa

Mag-a-abot ka pa
Dahil may natira pa sa iyong bulsa
Pag hugot mo’y hinablot ng iba

Pinagmasdan mo lang
Tumalikod at lumayo
Ngunit hinabol ka sinuntok at tinadyakan

~

Ibinibigay mo na ang lahat, naibigay mo na ang lahat.
Matapos mong maging mas ubos pa sa ubos ay masasaktan ka pa.
Hindi pa pala sapat lahat ng naibigay mo, kahit kakulangan mo.

Tila pinulupot ang lamang-loob mo sa sakit.
Pinilipit, pinulupot.
Tapos ay binudburan ng asin ang sariwa mong sugat.

 

Masyado palang malalim at delikado
T R U S T

Pininturahang Kuko

Sa kyutiks
Itinatago ang kuko
At ang tunay na kalagayan ko

Sa pagpinta nito
‘Di malalaman kung alin ang naiiba
Maliban sa hugis at kurba

Sa paglapat ng kulay dito
Nakalilimutan ang lungkot at putla
Napapatungan kung ano ang malala

Sa bawat isa
Maaaring iba-iba ng kulay
Maging ang porma na taglay

Sa lamig
Ang kuko na sa labas ay pula
Di nakikita na sa loob’y nagiging lila

Ngunit sa kahit anong pagmamanikura
Ang kuko ay humahaba
At kailangang putulin sa kabila ng pangamba

Pangamba na nabuo dahil
Ang kuko na dating puno ng kulay
Ay kalahati nalang ang nakalagay

Magiging ‘sing ganda ba ng nauna
O hindi na kayang pantayan pa
Nakakatakot na ito’y hindi na makapa

Buburahin ng bulak na may “acetone”
Dito’y makikita ang lihim
At papatungan muli ng panibagong lilim

02 July 2014
8:36 A.M.
Sala