Walong Bala

Para kay Mary Jane at sa lahat ng biktimang tulad niya

Sa hirap ng buhay, aalis tayo sa bayang sinilangan. Lumayo ka’t tiniis ang lungkot ‘t kagipitan.

Hirap nga namang mabuhay. Biktima ka na sa ibang bansa, biktima ka pa ng sariling bayan.

Hirap namang mangarap.
Ang gusto mo lang ay panglaman sikmura’t pangtustos sa edukasyon.

Hirap namang maglingkod.
Bukal sa loob ang lahat ng sakripisyo, patas ang dinaanan, ngunit masasakdal sa di sariling kasalanan.

Ito na.
Ito na ang araw ng kadiliman.
May piring o wala?
Ito na ang araw ng pagkagapos.
May tali o wala?

Sino ba sila, bakit ba kami nandito?
Isang araw paggising ko, marami nang tao, marami nang midya.
Nasaan ba kami, saan kami dadalhin?

Tumayo ang balahibo ko’t, nanlamig ang pawis ko.
May sasakyan, may kabaong.
Hindi pa ako patay pero ayon at naroroon ang pangalan ko.

Sikat pa ang araw, pero tila lumubog na ang akin.
Habang lumalapit ang gabi, nanunumbalik sa’kin lahat: ang yakap ng mga magulang ko, ang halik ng mga anak ko, ang tawanan ng mga kapatid ko.

Hindi ako.
Hindi akin to.
Hindi ko to kasalanan.
Hindi pa man nagsisimula ang laban, natalo na agad ako.

Hatinggabi.
Ito na.
Ito na talaga.
Mula sa rehas, naglalakad ako.

Isang isla.
Hindi lang pala ako ang mag-isa.
Nanginginig ang mga tuhod ko’t nanghihina ang buong katawan ko.

Huminto na kami.
Kumakanta sila.
Biglang boom!
Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, ako.

Ako na? Pero hindi na. Hindi na pala, hindi pa pala. Biglang natigil ako sa pag-alala’t panalangin.

Nailigtas ako.
Pero ligtas na nga ba?

Nailigtas ako.
Nino?

Para sa’yo MJVeloso
Para sa mga manggagawa
At para sa lahat ng biktima ng bulok at nakadidiring sistema

#OFWs #MaryJaneVeloso #justice

Ganito Pala

Sabi ko dati,
Masaya ako.
Sabi ko dati,
Swerte ko sa kanya.

Sabi ko dati,
Lampake.
Sabi ko dati,
Iyon ang tunay na ako.

Sabi ko dati,
Magpakatotoo lahat.
Sabi ko dati,
Wag baduy.

Pero dumating ka.
Hindi ko pala alam mga pinagsasatsat ko noon.

Mga ligaw na salitang binibigkas ng isang bulag.
Mga pinakinggang haka-haka ng isang bingi.

Buti dumating ka’t pinakita ang katotohanang nakahihigit sa lahat. Buti nakita kong puro kamalian lang ang noo’y tumagal ng limang buwan. Ito pala yung tunay na masaya, tunay na payapa.

Minsan baduy, pero puro at totoo. Walang bahid ng kasinungalingan, walang kaartehan. May pakialam dahil imposibleng wala.

Salamat, kasi ganito pala pakiramdam ng mahalin ng totoo.

Kapalit at Kahulugan

Hindi ba nakakatakot na ang sandali ay saglit at ang saglit ay madali? Sa bawat yapak ng mga paa, sa bawat kumpas ng mga kamay, ilang segundo at minuto ang nawawala. Lahat ay lilipas at lilipas din.

Hindi ba nakababahala na sa bawat bagay na ipinunyagi ay mayroong kahulugang napapalitan? Sa lahat ng pagi-ipon na nagagasta, sa mga sakripisyong nababalewala.

Hindi ba nakalulungkot na gaya ng kalikasan, emosyon at kalakasan, ang lahat ay mawawala, manunuyo, masisira at mamamatay? Maging simpleng alaala pa-saan pa’t sa limot din tutungo. Sa bawat pagkatuyo ng dahon ay siya ring pagkalagas ng puno. Sa bawat pagkamatay ng tao ay siya ring kawalan ng kaibigan o kamag-anak. Sa bawat pagpatak ng luha ay siya ring pagbuhos ng kalungkutan at kagalakan.

Maganda ang buhay. Masaya ang oras. Nakapangingilabot ang panganib. Nakatatakot ang kamatayan.

Lahat ay magkakaakibat at lahat ay mawawala.
Lahat ay kukupas.
Lahat ay mamamatay.

J ♥

CAM01425

“Hihintayin kita”
“Hindi ako siguradong makararating ako”

Gusto ko lang magpasalamat sa’yo
Sa’yo na maintindihin,
Sa’yo na mapagkalinga,
Sa’yo na tunay na nagmamahal.

Naaalala ko pa lahat, simula ng gabing umamin ka sa’kin. Madilim pero mainit. Natakot ka sabay sa pagkatakot kong maging komplikado lahat. Kilalang-kilala mo na ako noon. Alam mo kung gaano ako kawasak at nawala. Alam mo kung gaano ko pilit na pinasasaya ang sarili ko sa piling ninyong malalapit na tao sa’kin.

Nasabi ko na sa’yo noon, gusto ko lang sabihin ulit. Salamat. Dahil ikaw ang bumuo ulit sa bawat pirasong pinilas-pilas ng iba. Inuunat mo ang mga lukot ng nakaraan. Salamat dahil hindi mo sinamantala ang pagkasira ko bagkus ay tinulungan pa akong maayos ito. Salamat dahil ikaw ang nagturo sa’kin kung paano at saan dapat lumugar. Ito na siguro ang pinakamahabang mga talatang isinulat ko para sa’yo pero gusto ko lang ihayag lahat ng pasasalamat ko — kahit na ngayon ay hindi naman makahulugang araw.

Hindi mo ako pinilit ng panahong iyon. Binigyan mo ako ng ilang araw, linggo, buwan, para maisip ang dapat maisip at maramdaman ang dapat maramdaman. Alam mong ito ang kailangan ko para sa sarili, para sa atin. Kung talaga bang buo na ulit ako, kung talaga bang maayos na ulit ako.

Natakot ka noon. Natakot kang mawala ako at tuluyang lumayo sa’yo. Pero hindi mo alam na natakot din ako sa mga sandaling iyon. Natakot ako na, dahil masaya tayo sa mga oras at pagkakataong pinaghahatian natin, mabilis din itong magwawakas. Hindi pa ako handa. Hindi pa ako sigurado (kahit sa estado ng sarili ko). Ayaw kong gumawa ng ingay dahil ayaw kong may mangialam pa sa buhay. Ikaw rin na siyang nagpahalaga, ikaw na mismo ang nanahimik pa sa kanila.

Nagpapasalamat ako sa’yo hindi dahil sa mga libreng pagkain, o sa kahit anumang materyal na bagay. Nagpapasalamat ako dahil natitiis mo ang komplikadong taong tulad ko. “Komplikado” sabi mo nga. “…komplikadong personality, pero yun nga ang nagustuhan ko sayo”. Salamat sa bawat minutong inilalaan mo sa akin, sa bawat kilometrong tinatahak mo para sa’kin.

Kaya nagpapasalamat din ako sa huling taong nang-iwan sa’kin, dahil binigyan niya ng daan ang mas mabuting taong paparating. Ngayon lang ako naging ganito kasaya at kakuntento. Na kahit saan ka magpunta ay wala akong duda. Ngayon lang ako nagtiwala ng ganito. Ngayon lang ako naging ganito kasaya. Ngayon lang din ako naging ganito kapayapa.

“Buti naghintay ka, dumating na ako.”

\\ REN.

Mahal na Papa

Sobrang lakas ng ingay
“Kailan nga ba ang dating ni Papa?”
Ang ginagawa ng buong bayan
“Ah oo nga sa a-kinse”

Kaliwa’t kanan, hindi magkamayaw
Ngayon lang narinig mula sa iyong tinig
Puspusang paghahanda sa pagdating ng “Papa”
Binigkas ngunit sa ibang mungkahi

Enggrandeng salubong ang ipinaplano
Nanayo ang balahibo’t kinilabutan
Ngunit simple’t walang arte ang gusto ng panauhin
Parang sa puso’y may kumurot ng marahan

Ilang linggong pinagkaayusan
Tila may luhang nais kumawala
Ilang libo piso na ang nailaan
Mula sa kaibuturan kaysa sa mata

Muling napaisip sa iyong sinabi
Daig pa nito ang Pasko’t Bagong Taon
Ganun pala ito kasarap na sa iyo’y marinig
Kahit ang gobyerno’y di na mapakali

Sa a-kinse nga ay parating na siya,
Ngunit kahit ilan pang a-kinse’y, wala nang darating pa

Ang “Papa” na para sa lahat
Ang “Papa” na para sa amin lang

“Papa” sa tinig ni “Mama”

~ Pagkat minsan ko ring iniisip, gaano nga ba kasaya magkaroon ng “Papa”

UMAGABI

Ang iyong umaga ay aking gabi,
At ang iyong gabi ay aking umaga.
Sisikat na ang araw para sa’yo,
Lulubog palang ang buwan sa’kin.

Panibagong simula,
Panibagong yugto ng araw.
Muling pagtatapos,
Magsasara ang isang kabanata.

Alas-diyes, hindi pa ako inaantok.
Alas-dose, nanonood pa ako ng pelikula.
Alas-tres, bahala na.
Alas-singko, matutulog na ako.

Gigising ng alas-dos ng hapon,
Manananghalian sa oras ng pang-meryenda.
Minsan nakakatawa, minsan nakakainis.
Ayoko na ng ganitong siklo.

Paulit-ulit na hindi tama.
Ang oras ng katawan ko, muling nagkakamali.
Pero ano pa nga ba di’ba?
Masayang lasapin ang bawat sandali.

Kung anong mali, siyang masarap.
Kung anong bawal, siyang nakaaanyaya.
Akala mo matamis,
Ngunit di maglalaon ito’y papait.

Mula sa sira ng oras ng katawan,
Hanggang sa isip na pinaglalaruan.
Kaunting kalikot, kaunting kiliti.
Maraming nahahalungkat, maraming nananatili.

Oras at Petsa

Mga litratong kuha noong ika-25 ng Disyembre 2014

Dahil hindi libre ang lahat,
Sa bawat kinukuha mo,
Mayroong nawawala sa’yo:
Pera, oras, bagay, tao.

Minsan hindi man natin pansin,
Lahat ay may kapalit.
Pero dahil mabilis dumaan ang saglit,
Huli na nating napagtatanto.

Sa bawat kilos at salita,
Marapat na pag-isipang mabuti.
Sa bawat unting pagkakamali,
Maraming nasasayang, o nasasaktan.

Lumilipas ang lahat: bagay man at kalikasan,
Maging ang tao, lahat ay lilipas din.
Hindi naibabalik ang oras at pagkakataon,
Mabilis lang itong mapapadaan sa buhay.

Parang malay nating magaan man o mabigat,
Patuloy na sasabay sa daguydoy ng ating emosyon.